Story of the paper crane.
Pano ko ba ito sisimulan?
San ba ako magsisimula?
"Wala ka kasing sariling buhay" Yan yung mga binitawan mong salita sa akin habang lutang ang isip ko. Pagod na akong umiyak, pagod na yung utak ko sa kaiisip kung ano pa pwede kong gawin para matama lahat ng mali.
Wala akong sariling buhay.
Sa nakaraang anim na taon, lahat ng plano ko sa buhay, naka-angkla sa'yo. Sinuportahan kita, nasa likod mo lang ako parati, di ko binitawan ang kamay mo sa tuwing natatakot kang isipin kung anong mangyayari sa buhay mo. Ako yung laging maninigurado na okay lang ang lahat, lagi kong sinasabi na kaya mo yan. Bilib ako sa'yo noon pa man. Unti unti, tumatapang ka na, kaya mo na harapin lahat ng kinakatakutan mo, medyo alanganin ka paminsan minsan pero sumusubok ka na. Masaya akong nakikita kang sumisibol.
Kinalimutan ko na sarili ko, dahil okay lang, ang mahalaga "tayo" andian ka naman parati.
Anim na taon.
Narating mo na ang pangarap mo.
Naiwan ako.
Di ako makasabay, mabilis ang mga pangyayari di ako nakahabol.
Wala akong buhay,
Mahirap kasi kung ang tanging pangarap ko sa buhay ay makasama ka. Nung nawala ka, nawala narin ako. Nilamon na ako ng lungkot, pangungulila at mga tanong na di masagot sagot. Sobrang sakit nung iniwan mo ako, pakiramdam ko, napakawalang kwenta kong tao. Nasayang ang buhay ko. Hindi ko alam kung pano ako babangon ulit.
Di mo naman kasalanan, pero bakit parang ako naman ang nahihirapan.
Araw araw nagdadasal ako sa Panginoon, na sana magbago pa ang isip mo, magbago ang puso mo. Naniniwala akong mahal mo parin ako. Di ko maintindihan noon kung bakit.
Sabi ko sa sarili ko, gagawin ko ang lahat. Hindi ako susuko, ipaglalaban kita.
Gagawin ko ang lahat, makita lang kita ulit. Makausap at masagot lahat ng tanong ko.
Pinuntahan kita, namangha ako sa lugar kung nasan ka, hindi rin ako makapaniwala na nakarating ako na tanging baon ko lang ay mga mumunting detalye at baong pag-asa na pagnakita mo na ako ulit. Ma-a-alala mo yung pagmamahal mo sa akin. Kung gaano mo din ako kamahal.
Pero mali ako.
Matagal mo na pala akong di mahal, matagal mo ng gustong kumawala sa akin, wala ka lang lakas ng loob na bumitaw. Kaya nung nakalaya ka na, gusto mo na ng bagong buhay. Gusto mo na magsimula ulit na hindi ako kasama.
Pano naman ako?
Ang hirap pala.
Sobrang nalugmok ako, tang-ina! Pano naman ako?
Mahal parin kita eh? Bakit ganun nalang kadali sayo, kalimutan ang lahat ng hirap na pinagdaanan natin?
Madami daw akong masusumbat sa kanya kaya natatakot na sya sa akin.
Paanong ang pagmamahal ay mauuwi sa takot?
Hindi ko na alam.
Medyo magulo pa ang sitwasyon, bumalik na ako sa Pilipinas na tuliro.
Hindi ako makapagtrabaho ng husto, gabi gabi akong umiiyak. Sinasapak ko na nga sarili ko para matigil na yung isip kong lagi akong tinotorture sa mga ala-alang ayaw ko na ma-alala.
Mahirap kalabanin ang lungkot, unti unti syang gumagapang sa sarili kong katawan, dahan dahan, palalim ng palalim yung nararamdaman ko. Kahit na maraming taong nagsasabing magiging okay din ang lahat. Pakiramdam ko hindi nila ako naiintindihan, hindi nila alam yung nararamadan ko. Gusto kong sabihin na hindi ko kailangan ng awa nyo. Hindi ko kayo kailangan dahil hindi nyo ako naiintidihan. Naiirita ako kapag kinakamusta ako. Gusto ko lang mapag-isa. Gusto ko lang ng katahimikan. Dahil hindi tumitigil yung boses sa utak ko.
Lumipas ang mga ilang buwan, sa tulong ng gamot at mga ilang kaibigan, nakayanan ko naman, pero may mga araw na hindi maiiwasan. Malulugmok na naman ako sa sarili kong kadiliman.
Okay na ako eh, biglang isang araw nag iwan ka ng mensahe sa akin.
" Gusto ko sana sabihin na sorry sa lahat, Naging napakabuti mo.. Pag minsan kapag masaya ako at naalala kita, parang pakiramdam ko di dapat ako masaya, na wala akong karapatan dahil naging masama ako, tapos parang di ako makahinga na di ko maintindihan. Konsensya ko siguro yun hinahabol ako. Sorry sa lahat ng nangyari, maging masaya ka at mabuhat ka ng malaya. "
Tangina naman Arianne! Ano to!
Pampalubag loob mo? Dahil hindi ka din pinapatulog ng konsensya mo? Meron ka pala nun?
Hindi ko pinansin yung mesahe mo sa akin, kasi sabi mo wag ako magreply.
Pero dahil blog ko naman ito, magrereply ako sayo.
"Arianne, tang-ina naman, ano ba talaga? Mahal mo pa ba ako? Mahal parin kita eh! Pero san naman ako dadalhin ng lecheng pagmamahal na yan! Bakit tayo nasasaktan ng ganto' pwede bang mawala nalang lahat ng ito? Ayoko na din kasi pero iba sinasabi ng utak ko, sa sinisigaw ng puso ko. Leche!"
Hindi ko lubos maisip na sa ganto' tayo hahantong. Masalimuot na pagwawakas.
Sinasabi ko sa mga kaibigan, kakilala at pati sa pamilya mo na maayos tayong naghiwalay.
Pero sa totoo lang, hindi.
Hindi masasagot lahat ng tanong ko. Siguro may mga bagay talagang di na kailangan ng kasagutan.
Matagal bago ko pinag-isipan kung ikwekwento ko sa blog na ito ang tungkol sa ating dalawa. Pero, part na ito ng aking history.
Natatakot ako sa future. Natatakot akong harapin itong mag-isa. Nasanay akong kasama ka. Kasama kang mangarap, kasama kang tumahak sa landas na ginawa nating dalawa. Pero ngayon, kailangan kong tanggapin na mag-isa na akong maglalakad, iiwan na lahat ng mga munti nating mithiin sa buhay. Magsisimula ulit, Takot ako, kasi gusto ko kasama kita. Pero hindi na mangyayari yun.
At kung magkikita tayo sa hinaharap, kung mag kru-krus ulit ang mga landas natin. Ano kaya ang sasabihin ko? Masasabi ko bang salamat at nahiwalay tayo o dadalhin ko parin ang sugat nung iniwan mo ako? Mahal kita pero alam kong di mo na ako mahal. Yun siguro ang pinakamasakit dun at walang gamot na magpapagaling ng sakit na yun.
Gagawa na ako ng sarili kong buhay.
Gagawa na ako ng sarili kong buhay.
Tama na, ayoko na, itigil na.
Comments
Post a Comment
Wow thank you for your awesome comment! cheers!